REP. ERICE, BUMOTO NG “NO” SA P6.3-TRILYONG 2026 NATIONAL BUDGET
- Published on October 15, 2025
- by @peoplesbalita
KABILANG si Caloocan 2nd District Representative Edgar “Egay” Erice sa labindalawang kongresistang bumoto ng “NO” sa ₱6.3-trilyong 2026 General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Mababang Kapulungan sa botong 287–12–2.
Mariing tinutulan ni Erice ang pagkakasama ng ₱250 bilyong unprogrammed funds, na aniya ay walang malinaw na pinagmumulan ng pondo at labag sa diwa ng Konstitusyon.
Ayon kay Erice, malinaw sa Article VII, Section 22 ng 1987 Constitution na dapat may tiyak na sources of financing ang lahat ng pondo sa General Appropriations Act.
Aniya, ang mga unprogrammed funds, na walang malinaw na revenue basis, ay hindi dapat pinahihintulutan ng Kongreso.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang ganitong pondo ay nagbibigay ng labis na kapangyarihan sa ehekutibo at nagiging instrumento ng maling paggamit ng pondo, tulad ng paglipat ng mga lehitimong proyekto patungo sa mga pet projects na nauuwi sa ghost projects, substandard infrastructure, at mga gastusing walang saysay.
“Ang mga unprogrammed funds ay isang ilusyon, isang political mirage, na nagpapakita ng mga proyektong tila may pondo ngunit kadalasang hindi natutuloy. Ito ay ginamit hindi upang paglingkuran ang mamamayan, kundi upang manipulahin ang pondo ng gobyerno,” ani kongresista.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na kung may bagong kita o bagong utang, maaari namang maghain ng supplemental budget sa halip na umasa sa mga pondong walang katiyakan.
“Kung talagang para sa bayan ang budget, alisin na ang unprogrammed funds. Ang Kongreso ang may kapangyarihan sa paggastos – huwag nating ipasa sa ehekutibo ang tungkuling iyon. Panahon nang wakasan ang ganitong panlilinlang,” pagtatapos ni Erice.
Sa kanyang “No” vote, ipinakita ni Rep. Erice ang matatag na paninindigan para sa katapatan, transparency, at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. (Richard Mesa)