10 indibidwal, huli sa akto sa sugal, droga sa Valenzuela
- Published on October 14, 2025
- by @peoplesbalita
UMABOT sa sampung na indibidwal, kabilang ang apat hinihinalang drug personalities ang nalambat ng pulisya sa magkahiwalay na anti-gambling operations sa Valenzuela City.
Sa ulat ni P/MSgt Carlito Nerit Jr. kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, alas-12:30 ng tanghali nang maaktuhan ng mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub-Station 2 ang dalawang lalaki na naglalaro ng ‘cara y cruz’ harap ng Serapio Elementary School, Brgy. Gen TY De Leon.
Nakumpiska sa kanila ang bet money at tatlong peson coins ‘pangara’ at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Menar”, 35.
Alas-9:45 ng umaga nang madakip naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang tatlong indibidwal habang nagsusugal din ng ‘cara y cruz’ sa bakanteng lote sa Area 5, Pinalagad, Brgy., Malinta. Nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peso-coins ‘pangara’ at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam kay alyas “Pat”.
Hindi na rin nakapalag ang dalawang lalaki nang maaktuhan ng mga tauhan ni Police Sub-Station 1 Commander P/Capt. Michael Oxina na nagsusugal ng baraha sa Jasmin Street dakong alas-10:45 ng gabi. Nakumpiska sa kanila ang bet money, baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Ger”.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Law habang karagdagan pa na kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ng apat sa kanila. (Richard Mesa)