PLEA BARGAINER, 2 IBA PA ARESTADO SA LOOB NG DRUG DEN SA MINGLANILLA, CEBU
- Published on October 14, 2025
- by @peoplesbalita
NAGSAGAWA ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEA Region 7, katuwang ang PNP Regional Intelligence Unit, sa Sitio Nazareth, Barangay Tungkop, Minglanilla, Cebu, na nagresulta sa pagsasara ng isang drug den at pagkakaaresto ng tatlong (3) katao, noong Oktubre 11, 2025, bandang alas-4:30 ng hapon.
Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang pangunahing suspek at tagapangalaga ng drug den bilang si alias Anol, 42-anyos, isang motorcycle taxi driver, at residente ng nasabing lugar. Ang suspek ay dati nang naaresto noong 2020 dahil sa droga at nakapag-plea bargain.
Kasama ring naaresto ang dalawang (2) bisita ng drug den na sina alias Jomel, 20-anyos, at alias Glenn, kapwa tricycle driver at taga-Minglanilla.
Nakumpiska sa operasyon ang sampung (10) pakete ng shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 11 gramo at tinatayang halaga sa merkado na ₱74,800, limang (5) piraso ng tin foil na may bakas ng shabu, buy-bust money, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Ang mga ebidensya ay isinailalim na sa pagsusuri sa PDEA 7 Regional Office Laboratory para sa wastong disposisyon, habang ang mga suspek ay pansamantalang nakadetine sa PDEA 7 detention facility sa Lahug, Cebu City.
Ang pamamahala ng isang drug den ay may karampatang parusang habambuhay na pagkabilanggo at multang hanggang ₱10 milyon, samantalang ang pagbisita sa isang drug den ay may parusang hanggang 20 taong pagkakakulong at multang hanggang ₱500,000. (PAUL JOHN REYES)