NHA, NAMAHAGI NG ₱12.37-M AYUDA SA MGA BIKTIMA NG LINDOL SA CEBU
- Published on October 13, 2025
- by @peoplesbalita
NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng may kabuuang ₱12,370,000.00 halaga ng cash aid, sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito, sa 1,085 pamilyang naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa munisipalidad ng San Remigio, Cebu kamakailan.
Sa ilalim ng gabay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang pamamahagi ng tulong pinansyal, katuwang sina Region 7 Regional Manager Engr. Hermes Jude G. Juntillo, at Cebu District Officer-in-Charge Engr. Dante U. Estrobo.
“Bilang bahagi ng pagsunod sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ni NHA General Manager Joeben A. Tai, agaran po naming inihatid ang EHAP dito sa inyong lugar upang kayo po ay matulungan. Kalakip nito ang pag-asa na maibsan ng cash assistance ang mabigat na pasanin na dulot ng nagdaang kalamidad,” wika ni AGM Feliciano.
Sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, 76 na pamilya na ang mga bahay ay lubos na nasira ay nakatanggap ng tig-₱30,000, na may kabuuang halaga na ₱2,280,000; habang 1,009 pamilya na bahagyang nasira ang mga bahay ay nakatanggap ng P10,000, na may kabuuang ₱10,090,000.
Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P10,000 para sa mga bahay na partially damaged at ₱30,000 para sa mga totally damaged, base sa validation ng NHA 7.
Magsasagawa pa ng mga EHAP distributions ang NHA sa susunod na mga linggo para sa iba pang biktima ng lindol at bagyo.
Ang EHAP ay isa sa mga kasalukuyang programa ng NHA na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng mga sakuna tulad ng bagyo, sunog, lindol at baha. Layunin nitong tulungan ang mga benepisyaryo na makapagsimulang muli sa pamamagitan ng pagsasaayos ng kanilang mga tahanan.
Samantala, kasalukuyan namang nagpapatupad ang NHA ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng housing loan at lease payment ngayong Oktubre para sa mga lalawigan ng Cebu at Masbate, bilang paraan ng ahensya upang maibsan ang pinansyal na pasanin na nararamdaman ng mga benepisyaryo matapos ang mga nagdaang trahedya. (PAUL JOHN REYES)