CBCP hinimok ang mga deboto na magsuot ng puti tuwing Linggo
- Published on October 13, 2025
- by @peoplesbalita
HINIMOK ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na magsuot ng puti tuwing Linggo ng Oktubre at Nobyembre at maglagay ng puting ribbon sa mga tahanan, simbahan, at mga pampublikong espasyo bilang panalangin para sa pagbabago ng bansa sa gitna ng mga isyu sa katiwalian at mga kalamidad.
Sa isang circular na inilabas noong Sabado, sinabi ni CBCP president Cardinal Pablo Virgilio David na ang paggamit ng puting damit at ribbons ay kumakatawan sa panawagan ng mga tao “para sa transparency, accountability, at good governance.”
Idinagdag niya na ang kilos ay nagpapahayag din ng isang mapagpakumbabang panalangin na ang ating bansa ay mahugasan na malinis at mabago sa awa ng Diyos, at maligtas sa karagdagang mga kalamidad.
Hinikayat ng cardinal ang mga Katoliko na makiisa sa isang kolektibong pagkilos ng penitensiya at panalangin kasunod ng mga serye ng mga kalamidad na humagupit kamakailan sa bansa, kabilang ang mga bagyo, pagsabog ng bulkan, sunog, at lindol na nagdulot ng pagkalugi sa mga komunidad at kawalan ng katiyakan.
Inulit din niya ang naunang “National Call to Prayer and Public Repentance” ng mga obispo, na hinihimok ang mga Pilipino na manalangin tuwing Linggo at, kung maaari, araw-araw hanggang sa Solemnity of Christ the King, na sinasabayan ng tunog ng mga kampana ng simbahan.