• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 5:57 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Paulit-ulit na kasi: Usec. Castro, tinuldukan na ang isyu sa kanila ni Magalong

TINULDUKAN na ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pagsagot sa usapin na may kinalaman sa kanila ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Itinuro kasi ni Magalong si Castro na dahilan ng kaniyang pagbibitiw sa Independent Commission for Infrastracture (ICI), responsable sa mabilis na pangangalap ng ebidensya at dokumento, gayundin sa masinsinang pagtutok sa mga kaso ng katiwalian sa mga imprastraktura.

“Sana po ay napanood niyang buo iyong ating press briefing. Pero ito pong isyu na ito ay paulit-ulit na at nasagot ko na po, pero hindi ko alam bakit paulit-ulit pa rin at parang hindi po nagkakaroon ng katapusan ang isyu na ito,” ayon kay Castro,

“But anyway, this will be my last time to answer these issues. Unang-una po, hindi ko po saklaw ang kaniyang damdamin. Siya po ang boluntaryong nag-resign, hindi naman po siya pinagri-resign. Kung iyon po ang kaniyang naging desisyon, hindi ko rin po saklaw ang kaniyang pagdidesisyon,” aniya pa rin.

Sinagot din ni Castro ang sinabi ni Magalong na tila nais na palabasin ng Malakanyang na wala siyang karapatang mag-imbestiga.

“Unang-una po, iba po kasi ang pag-presume at iba naman po iyong naging pronouncement ng ating Pangulo. September 15 sinabi po ng Pangulo na siya po ay special adviser. Hinanapan po siya sa isang programa kung nasaan po ang kaniyang mandato, ang papel patungkol po rito. Ang sinabi lamang po ni Mayor Magalong ay he just presumed that he is an investigator. Maaaring ganoon ang mangyayari kung siya po ay nag-resign bilang mayor. Pero ang Pangulo na nga rin po ang nagsabi na pinili niya pong mag-stay at manatiling mayor ng Baguio City,” ang litaniya ni Castro.

“So, kung kayo po ang magtatanong sa kaniya, maaari po nating hanapin, nasaan nga po ba iyong sinasabi nating papel na siya ay tinalaga ng Pangulo na
imbestigador,” anito.

Sa kabilang dako, nakiusap naman si Castro na iwasan ang mga guessing game na nagbibigay ng intriga lalung-lalo na sa kanyang naging trabaho.

“Ang aking naging pronouncement dito noong September 26 na ang role ni Mayor Magalong ay ibibigay muna sa legal team, iyan po ay nanggaling sa Pangulo. Huwag po niyang bigyan ng intriga na mayroong nag-utos sa akin na ibang tao,” ang sinabi ni Castro.

“Kaya sabi nga natin, iwasan natin ang kwentong walang ebidensiya. Kung sinuman iyong sinasabi niyang iyon, kung may alam siya kung sino ang nag-utos sa akin at hindi ang Pangulo sa mga sinabi ko noong September 26, ipalitaw niya po dahil alam kong wala siyang mapapalitaw dahil iyon ay walang katotohanan,” aniya pa rin.

Nakiusap din si Castro na iwasan ang mang-intriga lalung-lalo na kung tatamaan ang Pangulo.

“Ang Pangulo po ay sumusunod lamang sa batas, hindi po natin puwedeng i-please lahat ng tao sa kagustuhan nila pero ang maaapektuhan naman po ay ang batas at ang pronouncement ng Pangulo. Sana matapos na po ang isyu na ito dito at wala na po sanang paulit-ulit na isyu na ganito,” aniya pa rin.

Samantala, sa ulat, aminado si Magalong na marami pa sanang nakalinya na mga kasong isasampa ang Independent Commission for Infrastracture (ICI) kaugnay sa mga dawit sa anomalya sa flood control projects.

Pero ayon kay Magalong, nahinto ito kasunod ng kaniyang pagbibitiw bilang special adviser ng ICI.

Nito lamang nakaraang Martes ng umaga, nagkasama-sama sina Magalong, kaniyang kapalit na si dating PNP Chief Rodolfo Azurin at Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon para sa turnover meeting.

Sinabi ni Magalong na itu-turnover na niya ang mga dokumento kay Azurin kasama ng ibang mga technical reports at mga kaso na ihahain kaugnay sa ghost projects.

Panawagan naman ni Magalong, hayaan sanang mag-imbestiga si Azurin at huwag itong pigilan at pakialaman gaya ng nangyari sa kaniya.

Possible kasi aniyang may nasagasaan siya sa ginagawang imbestigasyon. (Daris Jose)