• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 12:00 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Navotas LGU, magbibigay ng P1M cash aid sa Cebu

MAGBIBIGAY ng cash aid ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa lalawigan ng Cebu kasunod ng 6.9 magnitude na lindol na tumama at sumira sa ilang bayan nito noong Setyembre 30.

Sa pamamagitan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, naglaan ang Navotas ng ₱1 milyon mula sa 2025 Quick Response Fund nito upang makatulong na mapabilis ang mga operasyon sa pagtugon sa emerhensiya sa lalawigan, partikular sa mga lugar na lubhang apektado.

“Our city’s budget and resources may not be that much; however, we are still fortunate that we have the capacity to help our fellow Filipinos in dire need of support and assistance,” sabi ni Mayor John Rey Tiangco.

“Pinagdaanan na rin natin ito. Noong nakaraang Hulyo, itinaas din ang state of calamity sa ating lungsod at alam natin kung gaano kahirap ang ganitong sitwasyon. Kaya hanggang may maitutulong tayo sa mga kababayan nating nangangailangan, gagawin natin,” dagdag niya.

Noong Nobyembre 2019, nag-donate din ang lungsod ng ₱500,000 sa Tulunan, Cotabato nang tamaan ito ng magnitude 6.6 at 6.5 na lindol.

Nagpadala rin ang lungsod ng ₱2 milyon na tulong pinansyal sa mga nasalanta ng bagyo sa munisipalidad ng Lawaan at Giporlos, Eastern Samar noong 2014, at ₱1.5 milyon sa Dapa, Surigao del Norte; Ilog, Negros Occidental; Gingoog, Misamis Oriental; at sa mga lalawigan ng Dinagat Islands at Bohol noong 2022.

Ang mga in-kind na donasyon tulad ng 1,600 hygiene kits, ₱300,000 halaga ng mga gamot, at 300 sako ng bigas ay ibinigay din sa mga evacuees sa Batangas City at Trece Martires, Cavite noong pagsabog ng Taal noong 2020. (Richard Mesa)