• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 8:59 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, nagkaloob ng isang buwang moratorium sa mga naaapektuhan ng kalamidad sa Masbate at Cebu

NAGKALOOB ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang moratorium sa amortization ng housing loan at lease payments para sa mga benepisyaryo nito na nasalanta ng habagat, bagyong Mirasol, Nando at Ompong sa Masbate at naapektuhan ng 6.7 na lindol sa probinsya ng Cebu.

Agad na iniutos ni General Manager Joeben A. Tai ang paglalabas at pagpapatupad ng NHA Memorandum Circular No. 2025-153 na nagsususpinde ng amortization at lease payments para sa mga residential account holders ng ahensya sa mga nabanggit na probinsya, sa buong buwan ng Oktubre.

“Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng iba’t ibang kalamidad na tumama nitong nakaraan sa ating mga kababayan, agaran po kami sa NHA na nagpatupad ng moratorium para sa aming mga benepisyaryo sa Masbate at Cebu,” pahayag ni NHA GM Tai.

“Sa ilalim ng nasabing moratorium, hindi ipapataw ang delinquency o karagdagang interest rates, sinuspinde na rin ang pagpapataw ng multa (penalties) at iba pang kaukulang singil (surcharges) sa loob ng nasabing panahon.

Sa panayam kay NHA GM Joeben A. Tai, ipinahayag niya na agad nang nagpatupad ang ahensya ng moratorium para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad. Ayon sa kanya, “Wala na pong babayaran for the month of October ang mga benepisyaryo ng National Housing Authority sa Province of Cebu and Province of Masbate. Wala na po kami pinipili. Basta po kung nasa Cebu po kayo, sa Masbate, for the month of October, automatic na po ‘yan, wala na po kayong babayaran. So ang susunod na po nilang babayaran is for the month of November na po.”

Ang koleksyon ng amortization at lease payments, gayundin ang pagdagdag ng delinquency at iba pang interest charges ay manunumbalik sa normal nitong skedyul sa Nobyembre 2025.

Bukod sa moratorium, kasalukuyang nagsasagawa ang Ahensya ng validation, koordinasyon sa mga LGUs para sa mga apektadong pamilya at aktibong humahanap ng funding requirements para sa pagpapatupad ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP). (PAUL JOHN REYES)