Crime solution sa Maynila, tumaas ng 9.2% – Isko
- Published on October 10, 2025
- by @peoplesbalita
INIHAYAG ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na tumaas ng 9.2% ang crime solution efficiency rate ng Manila Police District (MPD) na resulta ng pinaigting na kampanya laban sa iba’t ibang krimen.
Sa paglalahad ng kanyang 100 Days sa San Andres Sports Complex, sinabi ni Domagoso na naging epektibo ang mas pinalakas na police visibility, agarang pagresponde sa mga krimen, paglilinis ng mga kalsada at pagpapailaw sa mga lugar na kadalasang talamak ang holdapan.
“Maliban sa kalinisan at kaayusan, ang pagsugpo sa krimen ay ating tinututukan kaya naman tumaas ng 9.2% ang crime solution efficiency ng Manila Police District. Ibig sabihin nito, mas nahuhuli po natin mga perpetrators ng krimen ngayon compared sa previous months.”ani Domagoso.
Binigyan-diin ni Domagoso na ang kaligtasan at kalinisan ng lugar ang pundasyon upang makapanghikayat ng mga mamumuhunan.
Ani Domagoso, ito ay indikasyon na may bago nang gobyerno ang Maynila 24/7 at ipinatutupad ang batas at pagkilala sa pagkakapantay-pantay sa karapatan ng bawat Manileño.
“Hindi tayo uunlad kung walang pakundangan ang paglabag ng batas, lalo na kung ginagawa ng tanghaling tapat sa gitna ng karamihan,” dagdag pa ng alkalde.