• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 9:14 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

6 huli sa sugal, droga sa Valenzuela

ANIM na indibidwal, kabilang ang tatlong hinihinalang drug personalities ang arestado sa magkahiwalay na anti-gambling operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento na may nagaganap umanong illegal gambling activities sa Mercado St., Brgy. Gen T De Leon.

Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub Station 2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang kelot nang maaktuhang nagsusugal ng ‘cara y cruz’ dakong alas-12:45 ng tanghali.

Nasamsam sa kanila ang tatlong peso coins ‘pangara’ at bet money habang nakuha kay alyas “Roel” ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Nauna rito, naaktuhan din ng mga tauhan ng Karuhatan Police Sub-Station 9 ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Industrial St., Brgy. Karuhatan bandang alas-8:50 ng gabi at nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peso coins ‘pangara’ at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Mando”, 56.

Sa Brgy. Malinta, alas-3:40 ng hapon nang maaktuha naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang dalawang lalaki nag naglalaro din umano ng sugal na ‘cara y cruz’ sa isang abandonadong bahay sa Makipot Street.

Nakumpiska sa kanila ang bet money at tatlong peso coins ‘pangara’ habang ang isang plastic sachet ng pinaghihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Marlon”, 45.

Ayon kay P/MSgt. Carlito Nerit Jr., nahaharap ang mga suspek sa kasong PD 1602 o Anti-Illegal Gambling Law habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin ng tatlo sa kanila. (Richard Mesa)