PBBM, ‘satisfied’ sa typhoon preps- Teodoro
- Published on September 26, 2025
- by @peoplesbalita
SATISFIED si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mabilis na paghahanda ng mga ahensiya ng gobyerno para sa mapanalasang Super Typhoon Nando at posibleng epekto ng Severe Tropical Storm Opong.
Sa katunayan, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Operations Center sa Quezon City, kung saan pinag-usapan ang epekto ng kamakailan lamang na tropical cyclones.
“The inter-agency coordinating cell is working very well. The president is very satisfied with the extent of preparations and prepositioning of needed goods and supplies, particularly sa Batanes,” ayon kay NDRRMC Chairman and Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Iniulat ng NDRRMC na umakyat na sa 159,197 pamilya o katumbas ng mahigit 600,000 indibidwal ang naapektuhan na ng pinagsamang epekto ng habagat, nagdaang bagyong Mirasol at Super Typhoon Nando.
Base sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules, Setyembre 24, ang mga sinalanta ng kalamidad ay mula sa 11 rehiyon kabilang na sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, National Capital Region, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Bunsod nito, aabot sa mahigit 8,000 pamilya ang inilikas patungo sa mga evacuation centers habang mahigit 4,000 pamilya naman ang nasa ibang lugar.
Ayon sa ahensiya, mayroong apat na napaulat na nasawi bunsod ng epekto ng mga kalamidad subalit kasalukuyan pang biniberipika ang mga ito.
Nasa dalawa sa mga napaulat na nasawi ay sa Central Luzon, isa sa Cagayan Valley at isa sa Cordillera.
Isinasailalim din sa validation ang napaulat na 11 nasugatan at isang nawawala.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Teodoro na may sapat na pondo para suportahan ang disaster response at relief operations.
“Nagpa-situation briefing siya [President Marcos] kung may kailangan augmentation galing sa DBM [Department of Budget and Management] ay maagapan natin, pero hindi pa kailangan,” anito pa rin.
Sinabi pa rin ni Teodoro na dinedetermina pa rin hanggang ngayon ang kabuuang halaga ng danyos na sanhi ng tropical cyclones sa agrikultura at imprastraktura.
“Kailangan pa nating humupa ang panahon so we can conduct an honest to goodness needs and damage assessment para makalap ang total damage,” ayon sa Kalihim.
“Nagro-road clearing na ngayon kasi importante ang access, lalo na kung lumihis ang bagyo at umulan na naman sa inulan ng Typhoon Kristine noong araw,” aniya pa rin.