• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 2:11 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nasawi sa pagsabog sa Valenzuela, umabot na sa apat

UMAKYAT na sa apat ang nasawi sa naganap na sunog dulot ng malakas na pagsabog ng mga naka-imbak na kuwitis at pulbura sa isang bahay sa Valenzuela City, nitong Miyerkules ng tanghali.

Sa ulat ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, unang nasawi ang kambal na batang babae na 7-taong gulang nang maganap ang pagsabog habang alas-4:52 naman ng hapon nang idineklarang patay ang 2-taong gulang na batang lalaki habang nakaratay sa Valenzuela Medical Center.

Dakong alas-9:00 naman ng gabi nang bawian din ng buhay ang 13-taong gulang na batang babae habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center.

Nananatili namang nasa Valenzuela Medical Center ang mga sugatang babae na may mga alyases na sina Lita, 52, Rosita, 63, Evelyn, 31, Michaela 24, ang dalawang batang may mga edad na 9 at 7, at dalawang lalaking sina Roujay, 24, ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng pagsabog, at 5-taong gulang na batang lalaki

Magugunitang naganap ang pagsabog dakong alas-11:33 ng bago magtanghaling tapat sa 173 Pieces st. Batimana Compound, Brgy. Marulas na lumikha ng sunog na tumupok at nagwasak sa 11-bahay na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng may 10-pamilya.

Nangako naman si Mayor Wes Gatchalian na makakatanggap ng tulong mula sa Pamahalaang Lungsod ang mga biktima at tiniyak rin niya papanagutin nila ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng pagsabog lalu’t may ordinansa sila na bawal ang pag-manufacture at pagbebenta ng paputok sa lungsod at hindi sila nagbibigay ng permiso sa ganitong uri ng hanapbuhay. (Richard Mesa)