Binalikan ang simula ng love story nila: ALFRED, crush na crush pa rin si YASMINE after 17 years bilang mag-asawa
- Published on September 26, 2025
- by @peoplesbalita
BINALIKAN ng actor-public servant na si Councilor Alfred Vargas ang simula ng love story nila ng kanyang asawa na si Yasmine Espiritu, na nagpakasal noong 2010 (civil wedding) at 2017 (church wedding) at ngayon ay may na apat na anak na sina Alexandra Milan, Aryana Cassandra, Cristiano, at Aurora Sofia.
Kuwento ni Alfred, noong 2008 nang una silang nagkita ni Yasmine sa isang event sa Sta. Cruz, Laguna.
“Rewind muna tayo sa backstage. Artista ako nun, mayroon ding ibang artista na nandoon tapos napansin ko parang mas maraming nagpapa-picture sa isang tao roon at siya (Yasmine) ‘yon,” pahayag ng aktor.
Inamin ni Alfred na labis siyang nagandagan kay Yasmine, nang una pa lang niya itong nasilayan, “Sabi ko, grabe ang ganda niya. So, love at first sight talaga.”
Samantala, hindi naman ipinagkaila ni Yasmine na crush na niya noon pa si Alfred.
Pagbabahagi ni Yasmine, “Naalala ko pa noon nasa sala kami kasi ‘di ba noon kapag nanonood ng afternoon drama, nakita ko siya (Alfred). Sabi ko kay Lola, ‘Sino ‘yan?’ Sabi niya, ‘si Alfred Vargas.’”
Natatandaan pa raw ni Yasmine ang sinabi niya sa kanyang lola na balang araw ay makikilala at mapapangasawa niya si Alfred. Na makalipas ang ilang taon ay nagkatotoo naman.
Katulad nga nakararami, hindi rin perfect ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. May mga pagkakataon din na sinubok sila ng mga challenges pero palagi naman nila itong nalalagpasan.
Post pa ni Alfred sa kanyang social media accounts, “17 years na tayong magkasama. Amore ko, pero hanggang ngayon crush na crush pa rin kita. #VargasNaPagibig.”
***
MTRCB, aprub ang walong pelikula para sa pampublikong pagpapalabas
DALAWANG pelikulang lokal, “Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna,” at “The Ride,” ang tampok ngayong linggo matapos kapwa makakuha ng angkop na klasipikasyon mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ang “Minamahal:100 Bulaklak Para Kay Luna,” na pinagbibidahan nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, at mula sa direksyon ni Jason Paul Laxamana, ay rated PG. Ito’y tungkol sa mga kabataan at pamilya na nangangailangan ng gabay ng magulang para sa mga batang manonood.
Ang “The Ride,” na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Kyle Echarri, ay rated R-13, para sa mga edad 13 at pataas. Tungkol ito sa mag-amang biglang nanganib ang buhay dahil sa pagkakasangkot sa iligal na gawain.
Anim pang banyagang pelikula ang inaprubahan ng MTRCB, kabilang ang musikal na “Gabby’s Dollhouse The Movie,” na rated PG (pwede sa lahat ng manonood).
Ang mga South Korean concert film na “Cha Eun-Woo: Memories In Cinemas,” na pinagbibidahan ng Korean actor at singer na si Cha Eun-Woo at “BTS Week,” tampok ang koleksyon ng mga pagtatanghal ng Korean boy band na BTS, ay parehong rated PG.
Ang American post-apocalyptic action na “Afterburn,” na nangyari isang dekada matapos mawasak ng isang solar flare ang teknolohiya ng buong mundo, ay rated R-13.
Parehong rated R-16 ang Japanese animation na “Chainsaw Man – The Movie: Reze Arc” at ang American epic action-thriller na “One Battle After Another,” para sa mga edad 16 at pataas dahil sa maselang tema at eksena.
Nagpaalala si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto sa mga magulang na maging maingat sa pagpili ng angkop na palabas para sa mga batang manonood.
“Panawagan ko sa ating mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga batang manonood at ipaliwanag na ang mga eksena at asal na nakikita nila sa pelikula ay bahagi lang ng kwento at hindi parte ng realidad,” sabi ni Sotto.
(ROHN ROMULO)