• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 5:57 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Reklamo sa Ethics Committee ni Navotas Rep Toby Tiangco kay Rep Zaldy Co, inihain

NAGHAIN ng reklamo sa Ethics Committee si Navotas lone district Toby Tiangco laban kay Ako Bicol Party List Rep. Zaldy Co dahil sa umano’y insertions sa national budget.

Tinukoy ni Tiangco sa kanyang reklamo ang mga umano’y paglabag ng mambabatas sa konstitusyon, code of conduct and ethical standard for public officials at sa House rules.

Si Co ay nagsilbi dati bilang chairman ng House Committee on Appropriations noong 19th Congress.

Una nang inihayag ni House Spokesperson Princess Abante na kasalukuyang nasa Estados Unidos si Co para magpagamot.

Binawi na ni Speaker Faustino Dy III ang travel clearance ni Co at inatasang bumalik sa Pilipinas sa loob ng 10 calendar days matapos matanggap ang kautusan.

Samantala, naghain naman si Cavite 4th district Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ng ethics complaint laban kay House Deputy Speaker Ronaldo Puno dahil sa ‘acts constituting misconduct unbecoming of a member of the House of Representatives.”

Nakasaad pa sa reklamo na may petsang Setyembre 23 ang ‘pattern of conduct in violation of the 1987 Philippine Constitution, Republic Act 6713 and applicable jurisprudence.’

Nag-ugat ito sa pahayag ni Puno na, ’not well’ si Barzaga.

Tinuligsa din ni Puno ang batang mambabatas sa ipinost nito sa social media na mga ‘lewd posts.’

Sinabi naman ni Barzaga na ang mga lumabas na posts ay mga cosplay photos at posts na ginawa bago mag-Hulyo 2025. Hindi pa aniya siya kongresista ng kunan ang mga nasabing litrato.

Lumilitaw na isa itong harassment at paglabag sa constitutional rights to privacy nito.

Dahil dito, hiniling ni Barzaga sa ethics committee na imbestigahan ang naturang ginawa ni Puno.

Bilang tugon, sinabi ni Puno na sasagutin niya ang reklamo base sa tamang procedure.
(Vina de Guzman)