Taniman ng marijuana sa hangganan ng Ilocos Sur at Benguet, binunot at sinunog ng PDEA
- Published on September 25, 2025
- by @peoplesbalita
MATAGUMPAY na nagsagawa ng isa na namang High Impact Operation (HIO) ang pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office I – Ilocos Sur Provincial Office (PDEA RO I-ISPO) at ng 1st Ilocos Sur Provincial Mobile Force Company (1st ISPMFC), sa tulong ng 2nd ISPMFC, noong Setyembre 22, 2025 sa pinagtatalunang hangganan ng Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur at Barangay Tacadang, Kibungan, Benguet.Nagsimula ang operasyon dakong alas-9:30 ng umaga at nagresulta sa pagkawasak ng tinatayang 17,410 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng ₱3,482,000 at 10,950 marijuana seedlings na nagkakahalaga ng ₱438,000, na may kabuuang halaga batay sa Dangerous Drugs Board (DDB) na ₱3,920,000.Sakop ng operasyon ang humigit-kumulang 3,400 metro kuwadrado na lawak ng limang natukoy na taniman ng marijuana. Agad na binunot at sinunog sa lugar ang lahat ng natagpuang tanim.Walang naaresto sa naturang operasyon, subalit tiniyak ng mga awtoridad na isasampa ang kaukulang kaso para sa paglabag sa Section 16, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga responsable sa naturang taniman.Muling tiniyak ng PDEA RO I sa pamumuno ni Regional Director Atty. Benjamin G. Gaspi ang kanilang matibay na paninindigan laban sa paglaganap ng iligal na droga, at binigyang-diin na nananatiling pangunahing prayoridad ang operasyon ng marijuana eradication lalo na sa mga upland at mahirap marating na lugar. (PAUL JOHN REYES)