• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 3:01 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kapag naaprubahan ang interim release: ‘Third country’, payag na tanggapin si Digong Duterte -VP Sara  

SINABI ni Vice President Sara Duterte nitong weekend na mayroong ‘third country’ ang pumayag na tanggapin si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, kasalukuyang nakakulong sa Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay sa naging kampanya ng kaniyang administrasyon laban sa ilegal na droga, na ayon sa datos ng pamahalaan ay ikinamatay ng mahigit 6,000 katao sa mga operasyon ng pulisya.

Sa pagsasalita sa harap ng mga Filipino sa Japan, sinabi ni VP Sara na ang third country ay secure na.

Aniya pa, personal kasi siyang nakipag-usap at nakipagkasundo sa mga foreign contact na maghanap ng host country, dahil hindi aniya niya mapagkakatiwalaan ang sinuman sa Pilipinas na tumulong.

“Kung makikita niyo sa ICC (International Criminal Court) website, meron ng third country doon. Meron ng isang bansa na nagsabi na ‘Okay lang,’ na ‘Dito ninyo ilagay si Dating Pangulong Rodrigo Duterte’,” ang sinabi ni VP Sara.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si VP Sara sa sinasabi nitong ‘third country’.

Buwan ng Hunyo nang simulan ng abogado ni VP Sara na hilingin sa ICC ang interim release para sa kanyang ama na si Digong Duterte.

“Medyo natagalan ang pag-file namin ng interim release dahil kinausap pa namin at naghanap pa ako ng tutulong sa akin dahil wala akong mapagkakatiwalaan doon sa Pilipinas. Ginamit ko ang aking mga nakilala sa labas ng Pilipinas dahil sa aking trabaho, nakiusap ako sa kanila na tulungan ninyo kami,” ang sinabi ni VP Sara.

“So medyo matagal ‘yun dahil hindi madali makipag-negosasyon sa isang bansa. Pero sabi ko nga, dahil sa pagdarasal ninyo, may mga good news na nangyari, so mayroong isang bansa na nagsabi, ‘Sige, okay’,” aniya pa rin.

Para naman sa Office of the Prosecutor ng ICC, hiniling nito sa tribunal na ibasura ang hiling na interim release ng kampo ni Duterte, ang kanilang katuwiran, ang patuloy na detensyon kay Digong Duterte ay kinakailangan upang matiyak ang kanyang pagdalo sa paglilitis, lalo pa’t hindi tinatanggap ni Digong Duterte ang ‘legitimacy’ ng legal proceedings laban sa kanya.  (Daris Jose)