• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 11:45 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PNP todo alerto sa ‘Trillion Peso March’; 50,000 pulis ikinalat

TODO bantay ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) na nagpakalat ng 50,000 kapulisan kaugnay ng ‘Trillion Peso March ‘ o malawakang kilos protesta ng iba’t ibang grupo upang kondenahin ang maanomalyang korapsyon sa substandard at ghost infrastructure projects na inilunsad sa buong bansa (Setyembre 21).

Ang PNP ay nasa full alert status na nagsimula dakong alas-5 ng hapon nitong Biyernes alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tiyakin ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko sa nasabing rally. Ang rally ay kasabay ng ika-53 taong anibersaryo ng Batas Militar.

Ayon kay Nartatez, minobilisa na ang nasa mahigit 50,000 pulis sa buong bansa kung saan nakipag-koordinasyon rin ang PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang mga pangunahing ahensiya upang tiyakin ang seguridad.

“This is a proactive measure to safeguard the right to peaceful assembly while preventing any attempt to disrupt public order. Our priority is the safety of everyone — protesters, bystanders, and the community at large,” pahayag ni Nartatez nitong Sabado.

Samantalang maging ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ay nakahanda na rin lalo na ang main event ng naturang malawakang kilos protesta laban sa korapsyon ay sa Metro Manila na kinabibila­ngan ng Luneta Park sa lungsod ng Maynila at Edsa Shrine sa Quezon City.

Nabatid na ang iba pang mga Regional Police Offices at Reactionary Standby Support Force ay inilagay na rin sa mataas na alerto at handa sa reinforcement sakaling hilingin ng pagkakataon.

Kaugnay nito nanawagan naman si PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Randulf Tuaño ng kooperasyon sa mga organizers at magpapartisipa sa idaraos na malawakang anti-corruption rally.