• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 3:01 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

VP Sara, gustong i-detain si Romualdez sa Kongreso; Zaldy Co pabalikin sa Pinas

MULING kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang sinseridad ng administrasyong Marcos sa pag-iimbestiga sa flood control mess, habang sina Leyte Rep. Martin Romualdez at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co diumano’y nananatiling hindi naparurusahan matapos maugnay sa kontrobersiya.
Sa isang panayam kay VP Sara sa Tacurong City, Sultan Kudarat, araw ng Huwebes, sinabi nito na ang di umano’y flood control probe at kamakailan lamang na pagbabago sa liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay paghahanda para sa 2028 presidential elections.
“Isa sa mga examples na masabi ko sa inyo na wala talaga silang sinseridad sa imbestigasyon sa flood control kasi tinuro na, pinangalanan na, hindi lang ako ang nagsabi, Zaldy Co at Martin Romualdez. Si Zaldy Co, hinayaan nilang umalis ng bansa. Si Martin Romualdez, hinayaan nilang mag-resign. Nag-resign naman na, so tapos na ang usapan,” ayon kay VP Sara.
“Ang Office of the President, involved sila sa kidnapping ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Bakit ngayon, nawala si Zaldy Co at maalis si Martin Romualdez, hindi man lang nila magawa na kidnapin si Zaldy Co doon sa Amerika at ibalik dito sa atin sa Pilipinas? At hindi man lang nila magawa na ikulong si Martin Romualdez diyan sa detention unit ng House of Representatives?” aniya pa rin.
Matatandaang, una nang binanggit ng mag-asawang kontratista na si Curlee at Sarah Discaya ang mga mambabatas at Department of Public Works and Highways officials na humihingi ng komisyon sa government project na kanilang nakukuha, madalas na nababanggit ang pangalan ni Romualdez at Co kaugnay sa komisyon mula sa flood control projects.
Nilinaw naman ni Curlee, na wala siyang direktang transaksyon kina Romualdez at Co.
Si Co, dating chairperson ng House committee on appropriations, ay kasalukuyang naka-medical leave sa Estados Unidos habang si Romualdez ay nagbitiw naman bilang House Speaker at pinalitan ni Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III.
Sinabi ni VP Sara na tila walang pakialam ang gobyerno sa pagkakadawit ng dalawang miyembro ng Kongreso sa usapin dahil walang aksyon na ginawa laban sa mga ito.
“Wala. Dahil wala silang sinseridad, pinapakita lang nila sa mga tao na kunwari meron silang ginagawa. Pero ang totoo niyan, naghahanda lang sila para sa hatian ng 2026 budget at para sa kung anong gagawin nila sa 2028,” ang sinabi ni VP Sara.
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na hindi makaliligtas ang kanyang mga kaalyado na sina Romualdez at Co, sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure sa maanomalya at ghost flood control projects.
Kapwa naman itinanggi nina Romualdez at Co ang akusasyon laban sa kanila. ( Daris Jose)