Civil engineer na wanted sa statutory rape at acts of lasciviousness sa Valenzuela, tiklo
- Published on September 20, 2025
- by @peoplesbalita
HIMAS-REHAS ang isang civil engineer na wanted sa kaso ng statutory rape at acts of lasciviousness matapos madakip ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento ang naarestong akusado na si alyas “Mark”, 38, civil engineer, ng Brgy. Mapulang Lupa.
Napag-alaman ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na nakatala ang akusado bilang No. 4 sa Ten Top Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.
Nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad ikinasa ang mga operatiba ng WSS ang manhunt operation hanggang sa makorner si alyas Mark dakong alas-5:00 sa Purok 4, Brgy., Mapulang Lupa.
Binitbit ng mga tauhan ni Col. Talento ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 270, Valenzuela City, noong July 28, 2022, para sa kasong Statutory Rape at Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 (2 counts) na walang inirekonedang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police Station habang hinihinatay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)