• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:50 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa kabila ng mga hamon na kinahaharap ngayon ng bansa… Gobyerno, nakapokus sa pagsisilbi ng totoo sa mga Filipino- PBBM

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananatiling nakapokus ang administrasyon sa tapat at totoong paglilingkod sa publiko sa kabila ng mga hamon na kinahaharap ngayon ng bansa.
“Sa kabila ng mga hamon na kinakaharap ng bansa, nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa aming mandato at tungkulin na maglingkod nang tapat,” ang sinabi ni Pangulong Marcos habang pinangungunahan ang distribusyon ng land titles at financial assistance sa mga manggagawa sa bukid sa Pampanga.
“Makakaasa kayo na inaayos natin at itinutuwid ang mga prosesong nagpapabagal at nakakaabala sa ating pag-unlad,” aniya pa rin.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ang galit ng publiko laban sa korapsyon at iregularidad sa infrastructure projects, partikular na sa flood control programs.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 na ipinalabas ng Pangulo, isang Independent Commission for Infrastructure ang nilikha para sa malalimang imbestigasyon sa mga proyektong ito.
May ilang mambabatas ang iniuugnay at isinasangkot sa anomalya, karamihan sa mga ito ay hayagang itinanggi ang akusasyon.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pamamahagi ng tulong ay bahagi ng hakbang ng administrasyon para bawasan ang kahirapan, paghusayin ang land tenure, at i-promote ang ekonomiya ng bansa.
Winika pa ng Pangulo na magbibigay ang Department of Environment and Natural Resources ng seedlings o mga punla para sa mga benepisaryo, na makatutulong sa mag ito sa kanilang local produce.
“Gawin ninyong produktibo ang inyong lupain. Gamitin ito nang tama para sa bawat pamilyang Pilipino, para sa ating mga komunidad, at para sa kinabukasan ng ating minamahal na Pilipinas,” ayon kay Pangulong Marcos. ( Daris Jose)