Kelot na wanted sa homicide sa Valenzuela, huli sa manhunt ops
- Published on September 20, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang isang lalaki na wanted sa kaso ng homicide matapos matunton ng tumutugis na mga pulis sa kanyang tinutuluyan sa Valenzuela City.
Hindi na nakapalag ang 30-anyos na akusado nang bitbitin siya ng mga operatiba ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Northern Police District (NPD).
Sa ulat, ang akusado ay kabilang sa mga Most Wanted Person ng Valenzuela City Police dahil sa kasong Homicide.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba Intelligence Section ng DMFB hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad nilang ikinasa ang manhunt operation.
Dakong alas-12:30 ng hating gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng DMFB ang akusado sa kanyang tinutuluyan sa Pablo Street, Barangay Karuhatan.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 270 para sa kasong Homicide noong September 15, 2025, na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Richard Mesa)