LTO, BINAWI NA ANG LISENSYA NG 2 DATING OPISYAL NG DPWH AT HABAMBUHAY NANG DISKWALIPIKADO
- Published on September 20, 2025
- by @peoplesbalita

Bukod sa pagbawi ng lisensya nina Henry Alcantara at Brice Hernandez, iniutos din na magbayad ang bawat isa ng P3,000 para sa kasong Imitation and False Representation sa ilalim ng Section 31 ng R.A. 4136 (Land Transportation and Traffic Code).
“Patunay ito ng aming matibay na paninindigan laban sa paggamit o palsipikasyon ng anumang dokumentong inisyu ng LTO. Talagang hahabulin namin kayo,” ani Asec. Mendoza.
“Ang lisensya nina Mr. Alcantara at Mr. Hernandez ay binawi at sila ay habambuhay nang diskwalipikado sa pagkuha ng anumang uri ng lisensya sa pagmamaneho,” dagdag pa niya.
Inatasan ni Secretary Lopez ang LTO na imbestigahan ang mga isinisiwalat sa pagdinig sa Senado na nagsasabing gumamit sina Hernandez at Alcantara ng pekeng lisensya na nakapangalan sa ibang tao upang makapasok at makapaglaro sa mga casino.
Inamin ni Alcantara ang paggamit ng pekeng lisensyang may pangalang Joseph Castro Villegas, isang bagay na kinumpirma ng isang casino kung saan siya nag-apply para sa Reward Circle.
Kinumpirma rin ng parehong casino na nag-apply si Hernandez sa parehong Reward Circle gamit ang lisensyang may pangalang Marvin Santos de Guzman.
Ayon sa desisyong nilagdaan ni Asec. Mendoza, malinaw na napatunayan ng mga ebidensyang nakalap na alam nina Alcantara at Hernandez na peke ang kanilang ginamit na lisensya.
Dahil dito, sinabi ni Asec. Mendoza na sila ay may pananagutan sa kasong pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle sa ilalim ng Section 27(a) ng R.A. 4136.
Inatasan din ang dalawa na isuko ang kanilang mga lisensya, at inilagay ang mga ito sa alarm.
“Magsilbing aral sana ito sa ating mga kababayan ng inyong kakaharapin kung tutuluran ninyo ang maling gawain na ito,” ani Asec. Mendoza. (PAUL JOHN REYES)