Sa selebrasyon ng kanyang ika-52 kaarawan: KARA, nag-wish na ‘sana mamatay lahat ng kurakot sa Pilipinas!’
- Published on September 20, 2025
- by @peoplesbalita

Kumalat nga ang naturang video sa social media na kinaaliwan ng husto ng netizens.
“Belated birthday dinner with the Cancios. Siyempre nagkukulitan na naman kami,” caption niya ng Facebook reel,
Tuwang-tuwa nga habang nagkukulitan ang Kapuso broadcast journalist sa kanyang mga bisita na kumakanta ng “Happy Birthday”.
At bago i-blow ang candles sa kanyang cake, nag-wish si Kara, “Wish…sana mamatay lahat ng kurakot sa Pilipinas!”
Na sinundan naman ng palakpakan at tawanan ng mga nakisaya sa party.
Samantala, nagbigay, din ng saloobin si Kara tungkol sa mga mahilig mag-flex sa social media. Naniniwala siyang walang masama na ipakita sa publiko basta’t ang mahalaga ay wala itong bahid na korapsyon.
“Okay lang mag-flex kung galing naman kung galing naman sa malinis na paraan,” pananaw ng news anchor.
Inamin din ni Kara na kahit nagpe-flex siya kung minsan sa socmed ay hindi para ipagyabang ang mga mamamahaling gamit niya na kanyang pinaghirapan.
***
MTRCB, nagsagawa ng Responsableng Panonood seminar sa mga miyembro ng Rotary Club of Quezon City at Marikina West
PINANGUNAHAN ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pamumuno ni Chairperson at CEO Lala Sotto, ang isang Responsableng Panonood seminar para sa mga kasapi at opisyal ng Rotary Club of Quezon City at Rotary Club of Marikina West nitong Lunes, Setyembre 15, na ginanap sa Club Filipino, San Juan City.
Layunin ng RP seminar na pataasin ang kamalayan at pang-unawa ng publiko pagdating sa responsableng paggamit ng media at ang mahalagang papel ng mga magulang at nakatatanda sa paggabay sa mga bata sa pagpili ng tamang panoorin batay sa kanilang edad.
Nagbahagi sina MTRCB Board Members Wilma Galvante, JoAnn Banaga at Maria Carmen Musngi ng mahahalagang kaalaman ukol sa mandato ng Ahensya, mga angkop na klasipikasyon sa pelikula at telebisyon, at ang kahalagahan ng kampanyang Responsableng Panonood.
Binigyang-diin ni Sotto, na dumalo sa naturang aktibidad, ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor.
“Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga organisasyong tulad ng Rotary Club of Quezon City at Rotary Club of Marikina West, mas mapapalawak natin ang maaaring maabot ng aming kampanya at matitiyak na mas maraming pamilyang Pilipino ang magkakaroon ng kaalaman upang makapili ng angkop na panoorin,” sabi ni Sotto.
Patuloy na nakikipagtulungan ang MTRCB sa iba’t ibang organisasyon upang isulong ang responsableng paggamit ng media at magampanan ang tungkulin nitong protektahan ang kapakanan ng mga manonood, lalo na ng mga batang Pilipino, habang patuloy na sinusuportahan ang industriya ng pelikula at telebisyon sa Pilipinas.
(ROHN ROMULO)