QC LGU, 2 lang sa 331 flood control projects ang inaprubahan mula 2022-2025
- Published on September 17, 2025
- by @peoplesbalita
DISMAYADO si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa pagkakatuklas sa diumano’y maanomalyang flood control projects at sinabi na handa ang lokal na pamahalaan na magsumite ng sarili nitong imbestigasyon sa harap ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tukuyin ang mga nasa likod ng umano’y multibillion-peso irregularities.
Sinabi ni Belmonte sa isang press conference nitong Setyembre 15, 2025, na isusumite rin nito ang kaparehong findings na pinasimulan ng City Engineering Department sa pangunguna ni Atty. Mark Dale Perral kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon gayun din sa Senado na nagsasagawa rin ng sarili nitong pagtatanong ‘in aid of legislation.’ Sa 331 na proyekto mula 2022-2025 na may kabuuang halaga na P17-bilyon, dalawa lang ang inaprubahan ng pamahalaang lungsod, ani Belmonte na nakikitang galit na galit na naniniwala na karamihan sa mga ito ay mga ghost project.
Samantala, sinabi ni Belmonte na agad siyang nakipag-ugnayan sa mga mambabatas na nakabase sa lungsod, ilan sa mga ito ay sina Rep. Patrick Michael Vargas, Rep. Arjo Atayde, Rep. Marvin Rillo at Rep. Marivic Co-Pilar na pinangalanan ng contractor-couple na sina Pacifico ‘Curlee’ Discaya at Cezarah ‘Sarah’ na sinasabi na nanghingi ng pera sa kanilang kumpanya matapos itong manalo sa government project bid.
“Lahat sila ay tumanggi na nakatanggap sila ng pera ngunit aalamin natin ang lahat, dahil ang pamahalaang lungsod ay handang makipagtulungan sa ICI at simulan natin sa pamamagitan ng pagsusumite ng ating mga natuklasan mula sa ating sariling imbestigasyon,” sabi ni Belmonte.
Tinataya ni Perral na sa P17-bilyon, humigit-kumulang P14-bilyon ang halaga ng flood control projects sa ilalim ng Drainage Master Plan (DMP) ng lungsod.
Sinabi ni Belmonte na may mga proyektong may mga katulad na gastos sa proyekto “na parang copy-paste lang, mayroong parehong halaga – P14,499,000 – para sa bawat proyekto ngunit mula sa iba’t ibang lugar at may iba’t ibang disenyo ng proyekto,” sabi ng punong ehekutibo ng lungsod.
“Ang masama pa, mayroong 91 sa 117 na proyekto na nakategorya sa ilalim ng drainage projects ngunit itinayo sa mga lugar sa lungsod na hindi binabaha,” dagdag pa ni Belmonte.
Ang parehong pagsisiyasat ay nagpahiwatig na ang rehabilitasyon ng San Juan River ay may kasamang 91 phase para sa isang proyekto lamang. Sa listahan ng 15 nangungunang kontratista na ibinunyag ni Marcos, sinabi ni Belmonte na pito sa mga ito kabilang ang mga kumpanyang pag-aari ng Discaya, na mayroong walo, ay mayroong mga proyekto sa pagbaha ng DPWH sa lungsod.
Sa parehong pulong balitaan, nilagdaan ni Belmonte ang isang Memorandum of Agreement kay Dr. Alfredo Mahar Francisco Lagmay, executive director ng University of the Philippines- Resilience Institute at NOAH Center; at Philippine Institute of Civil Engineers-QC Chapter sa layuning suriin kung ang ilan sa mga natuklasang proyekto ay maaari pa ring i-rehabilitate o ibalik upang maisalba ang pinaghirapang kinita ng mga nagbabayad ng buwis.
Samantala, sinabi ni Belmonte na lubos niyang sinusuportahan ang indignation rally na itinakda sa Setyembre 21 ngunit umaasa siyang hindi ito mauwi sa nangyari sa Nepal. (PAUL JOHN REYES)