• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:43 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DIWA NG PAGIGING FILIPINO, HINDI IPINAGBIBILI – GOITIA

HINAMON ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang mga Filipino kung ano talaga ang isang bansa kung hindi kayang ipagtanggol ng sariling dangal.
Ayon kay Goitia, sang-ayon siya sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos na ang soberanya ay hindi lamang paksa ng debate, hindi isang bagay na puwedeng pagpalit o ipagbili kundi ito ay buhay ng ating bayan.
Dagdag pa ni Goitia na hindi rin teorya ang laban dito kundi ito ay tungkol sa kinabukasan ng ating mga anak at kaligtasan ng ating karagatan at ang tinatawag na soberanya ay hindi pagbibitiw ng salita kundi pagdedeklara ng karapatan ng buong sambayanan na tumangging apihin.
Ipinaalala ni Goitia na hindi teorya lamang ang laban na ito. “Ito ay tungkol sa kinabukasan ng ating mga anak, sa pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilya at sa kaligtasan ng ating karagatan. Kapag sinabi ng Pangulo na ang soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, hindi siya basta nagbibitaw ng salita. Idinedeklara niya ang karapatan ng buong sambayanan na tumatangging apihin.”
Hinimok ni Goitia ang mga Filipino na lubos magkaisa. “Araw-araw, hinaharap ng ating mga mangingisda ang banta sa karagatan. Ang ating mga sundalo ay inilalagay sa panganib ang kanilang buhay upang bantayan ang ating mga karagatan. Ang ating mga pinuno ay humaharap sa matinding hamon mula sa buong mundo. Ang pinakamaliit na magagawa natin ay tumindig kasama nila. Ang pagkakawatak-watak ay kahinaan. Ang pagkakaisa ang ating lakas. Ang soberanya ay tungkulin ng bawat Pilipino.”
Ipinahayag din ni Chairman Emeritus Goitia na ang multi-awarded na dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ay isang matibay na katotohanan kung bakit mahalaga ang laban na ito kung saan ipinapakita ang katotohanang kinakatakutan ng Tsina, ang mukha , paghihirap at tapang ng mga mangingisda.
Ayon pa kay Goitia, isa pang bagong pelikula na may malawak na saklaw sa hirap at pagsubok ng mga bayani sa West Philippine Sea. Dito ay ipapakita ang karahasan at pang-aabuso ng mga dayuhang mananakop. Ipapakita rin dito ang tunay na karapatan sa ilalim ng pandaigdigang batas na ginawa ng Blessed Movement sa pamumuno ni Chairman Herbert Martinez.
“Hindi kailanman maaaring ipagbili ang diwa ng Pilipino. Ang ating mga dagat ay atin, ayon sa batas, ayon sa kasaysayan at ayon sa sakripisyo. Sa pamumuno ni Pangulong Marcos at sa pagkakaisa ng sambayanan, hindi tayo kailanman susuko, hindi tayo bibitaw, at hindi tayo patatahimikin. Ang soberanya ay hindi maaaring ipagpalit, at panahon na upang igalang ito ng buong mundo.” ayon kay Goitia. (Gene Adsuara)