• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:45 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, kalaboso sa pagbabanta, panunutok ng baril sa kalugar sa Valenzuela 

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki matapos tutukan ng baril at pagbantaan papatayin ang kanyang kalugar sa Valenzuela City.
Sa nakarating na ulat kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, habang naglalakad pauwi ang 38-anyos na lalaking biktima sa Brgy., Ugong dakong alas-11:30 ng gabi nang harangin ng suspek na si alyas “Buang”, 38.
Kinumpronta ng suspek ang biktima sabay naglabas umano ng baril bago tinutukan at pinagbantaan itong papatayin.
Sa labis na takot, nagtatakbo ang biktima hanggang sa makahingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Ugong Police Sub-Station 8 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang isang caliber .38 revolver na kargado ng dalawang bala at nang hanapan siya ng mga kaukulang dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing armas ay wala siyang naipakita.
Sinampahan na ng pulisya ang suspek ng kasong Grave Threats at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)