Malabon LGU, suportado ang imbestigasyon sa flood control project
- Published on September 12, 2025
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng pahayag ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon na suportado nito ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad sa mga proyektong kontra-baha na labis nakaapekto sa mga mamamayan ng lungsod.“Kasama ng mga mamamayan ng Malabon, nananawagan kami ng pananagutan. Buo ang aming tiwala at suporta sa kampanya ng pambansang pamahalaan laban sa katiwalian,” pahayag ng LGU.
“Inaasahan namin na ang mga taong mapapatunayang may pagkukulang ay papanagutin sa batas, at magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa mga ahensyang responsible,” dagdag nito.
Patuloy naman umano gumagawa ng hakbang ang Lokal na Pamahalaan upang masolusyunan ang pagbaha, kabilang dito ang modernisasyon ng mga pumping station, pagpapatayo ng konkretong daluyan ng tubig, matitibay na pader sa kahabaan ng mga ilog, at pagkakaroon ng drainage master plan na magsisilbing gabay para sa mas maayos at pangmatagalang solusyon.
Ipinangako at tiniyak din ng Pamahalaang Lungsod sa bawat MalabueƱo na hindi sila titigil hangga’t hindi natatamo ang isang Malabon na mas ligtas, mas matatag, at mas handa laban sa baha. (Richard Mesa)