2 DRUG PUSHER NATIMBOG NG PDEA SA LOOB NG FAST-FOOD CHAIN, ₱680K HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA
- Published on September 10, 2025
- by @peoplesbalita
NAARESTO ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan Provincial Office ang 2 tulak ng droga sa isang buy-bust operation na isinagawa sa loob ng isang sikat na fast-food chain sa Barangay 72, Caloocan City, Setyembre 6, 2025. Nagresulta ang operasyon sa pagkakasamsam ng tinatayang ₱680,000.00 halaga ng shabu.
Kinilala ng PDEA Bulacan Provincial Office ang mga naarestong suspek bilang alyas “Alex,” 34 taong gulang; at alyas “Den-Den,” 34 taong gulang.
Nakarekober ang mga operating team ng dalawang (2) heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng tinatayang 100 gramo na nagkakahalaga ng ₱680,000.00, at ang marked money na ginamit ng undercover na ahente ng PDEA.
Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay sasailalim sa forensic examination sa PDEA RO3 laboratory habang ang mga nahuling suspek ay pansamantalang ikukulong sa jail facility ng ahensya sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Lumahok din sa operasyon ang PDEA National Capital Region-Northern District Office at PNP Drug Enforcement Group.
Inihahanda na ang mga kaso para sa isang non-bailable offense sa ilalim ng seksyon 5 (pagbebenta ng mapanganib na droga) na may kaugnayan sa seksyon 26B (sabwatan upang magbenta) ng Republic Act 9165 para isampa sa korte. Ang seksyon 5 ay may parusang habambuhay na pagkabilanggo at multa na mula ₱500,000 hanggang ₱10-M. (PAUL JOHN REYES)