DRUG DEN RAID SA BATAAN, 3 SUSPEK HULI, ₱68K HALAGA NG SHABU NASAMSAM
- Published on September 5, 2025
- by @peoplesbalita
ISANG drug den raid sa Barangay Pantalan Luma, Orani Bataan, ang nagresulta sa pagkahuli ng tatlong indibidwal at pagkakasamsam ng tinatayang ₱68,000.00 halaga ng hinihinalang shabu. Ang operasyon ay isinagawa noong Miyerkules ng gabi (Setyembre 3) ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan Provincial Office.Kinilala ng hepe ng PDEA Bataan ang mga suspek bilang alyas Dungo, 47 taong gulang, ang sinasabing operator ng drug den; alyas Hary, 45 taong gulang; at alyas Rence, 48 taong gulang.
Nakarekober ang mga awtoridad ng anim na plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu, na may halagang ₱68,000.00, mga gamit sa paggamit ng droga, at ang buy-bust money na ginamit ng undercover agent ng PDEA.
Ayon sa PDEA, ang operasyon ay inilunsad matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen.
Ang magkasanib na operasyon ay isinagawa ng mga operatiba mula sa PDEA Bataan Provincial Office, PDEA Bataan Seaport Interdiction Unit (SIU), Orani Police Station, at Bataan Provincial Police Drug Enforcement Unit.
Sasampahan ng kaso ang mga nahuling suspek dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PAUL JOHN REYES)