• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

20-anyos na kelot wanted sa rape, pangmomolestiya sa Malabon, timbog

KALABOSO ang 20-anyos na binata na wanted sa kaso ng dalawang bilang ng panggagahasa at pangmomolestiya matapos matimbog sa manhunt operation sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat, pinaigting ng mga tauhan ni Malabon Police Acting Chief P/Col. Allan Umipig ang operation kontra sa mga wanted person sa lungsod.
Ayon kay Col. Umipig, kabilang sa mga Most Wanted Person na nakatala sa Malabon City Police ay si alyas “Mho”, ng Brgy., Ibaba dahil sa kaso ng panggagahasa sa isang babaeng biktima na hindi pinangalanan at pangmomolestiya sa isang menor-de-edad.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section (WSS) na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar, agad ikinasa ng mga ito ang operation.
Dakong alas-3:45 ng hapon nang tuluyang masukol ng tumutugis na mga tauhan ni Col. Umipig ang akusado sa Dulong Herrera Street.
Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang arrest warrant na inisyu ng Malabon City Family Court Branch 4, na may petsang September 1, 2025 para sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A 7610 na may inirekomendang piyansa na P180K para sa pansamantala niyang paglaya, at two counts of Rape na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. (Richard Mesa)