Kamara, kumpiyansa na maipapasa ang 2026 National Budget sa nakatakdang schedule nito
- Published on September 5, 2025
- by @peoplesbalita
KUMPIYANSA ang Kamara na maipapasa nito ang 2026 National Budget sa nakatakdang schedule nito sa kabila ng mga ulat na request ng ilang mambabatas na rebyuhin ng Department of Budget and Management (DBM) ang National Expenditure Program (NEP) dahil sa ilan umanong flagged errors at kuwestiyonableng entries.
“Kaya nga tuloy-tuloy pa rin ang budget deliberations para ‘dun sa mga items na wala namang problema ay ma-tackle na siya. Hindi natin alam kung gano’n kabilis ‘yung magiging review ng DBM doon sa mga budget na may nakitang may mga observations ang mga members,” pahayag ni House spokesperson Atty. Princess Abante.
Sinabi pa nito na ang panawagan ng ilang mambabatas na ibalik ang NEP ay hindi nangangahulugan na isang physical action kundi sa pamamagitan ng corrections na gagawin sa deliberasyon.
“Pero it appears that the committee is still confident that they can still meet the timeline na tinitignan ng House para ma-approve ang GAB,” dagdag nito.
Inihayag pa ng House spokesperson na tuloy pa rin ang appropriations panel sa trabaho nito sa kabila ng kontrobersiya sa NEP, kung saan planong tugunan ng mga miyembro ang mga isyu nang mabilis at masusi.
Nagpahayag aniya ang ilang lider ng Kamara nang kahandaan na lumagpas pa sa oras ng trabaho para maipasa ang national budget sa itinakdang panahon.
“Nakita naman natin kung gano’ng kabilis din ‘yung developments doon sa pag-express ng sentiments ng party leaders, doon sa pag-finding ways where we can address the issues ng mga party leaders. So we’re still gonna wait kung ano pa ‘yung mga magiging susunod na hakbang. But tuloy-tuloy ang trabaho ng committee on appropriations to ensure na matatapos at matatapos natin ito doon sa time na in-identify nila. And again, kung magkaroon man ng adjustments, nagsabi din ang ibang party leaders that they’re willing to work overtime for this,” pahayag ni Abante.
Nilinaw naman nito na ang isyu nang pagpapadala ng NEP pabalik sa the DBM ay hindi nangangahulugan na literal return ng documents kundi para ang mga gagawing corrections ay gagawin sa source level bago aksyunan ng Kamara ang panukala.
“Again, ‘yung solian ng NEP ay hindi nga ito ‘yung physical na pagbalik ‘di katulad ‘yung remand na ginawa dati sa impeachment na talagang dinala yung documents. Hindi naman ganyan ang gagawin pero clear ang sentiments ng party leaders: There’s a need to review, to correct what they used, ‘yung massive mangling of the budget proposal. Kailangan siya i-correct. So, ‘yun yung gustong iparating din ng party leaders,” paliwanang ni Abante.
(Vina de Guzman)