• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO SUPORTADO ANG PAGKAKATALAGA KAY LOPEZ BILANG KALIHIM NG DOTr

MALUGOD na tinanggap ng Land Transportation Office (LTO) na pinamumunuan ni LTO, Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagkakatalaga kay Giovanni “Banoy” Z. Lopez bilang Kalihim ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay Asec. Mendoza, sang-ayon siya kay dating DOTr chief at ngayo’y DPWH Secretary Vince Dizon na si Lopez ang tamang tao upang pamunuan ang kagawaran sa pagsusulong ng kinakailangang mga reporma para sa ikabubuti ng sistemang pang-transportasyon ng bansa.
“Sa ngalan ng lahat ng kawani ng LTO, taos-puso kong binabati si Secretary Lopez sa kanyang pagkakatalaga upang pamunuan ang DOTr. Tunay na karapat-dapat siya sa posisyong ito,” ani Asec. Mendoza.
Isang abogado at certified public accountant, si Secretary Lopez ay hindi na baguhan sa DOTr dahil nagsimula siyang maglingkod dito noong 2017.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, hindi rin “outsider” si Secretary Lopez sa LTO dahil minsan na rin niyang pinamunuan ang ahensya noong 2022.
“Ang malalim na kaalaman ni Secretary Lopez sa larangan ng transportasyon ang dahilan kung bakit siya ang nararapat na pumalit upang pamunuan ang DOTr upang maisakatuparan ang mga plano at layunin sa ilalim ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Marcos,” ani Asec. Mendoza.
“Tinitiyak ng LTO ang buong suporta kay Secretary Lopez, lalo na sa adhikain na higit pang mapahusay ang serbisyo ng pamahalaan para sa mga commuter at road user sa pamamagitan ng episyenteng sistema at mas maayos na imprastruktura,” dagdag pa ni Asec. Mendoza. (PAUL JOHN REYES)