Kompensasyon sa mga stay at home housewives, isinulong
- Published on September 4, 2025
- by @peoplesbalita
BILANG pagkilala sa napakahalagang papel na ginagampanan ng mga “Ina ng tahanan” inihain ng isang mambabatas ang panukalang naglalayong bigyan ng kompensasyon ang mga nanay na naiiwang nagta-trabaho sa loob ng kanilang mga bahay.
Ayon kay 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado, kinikilala ng House Bill No. 3141 ang hindi matatawarang kontribusyon ng mga “housewives” na naiiwang nagtatrabaho sa loob ng tahanan para gampanan ang kanilang tungkulin tulad ng paglilinis, paglalaba, pagluluto, pag-aalaga ng mga anak at iba pang mga gawaing bahay.
Ipinaliwanag ng kongresista na pinahahalagahan din ng “Housewives Compensation Assistance Act” (HB No. 3141) ang sakripisyo ng mga stay-at-home housewives dahil sa kabila ng napakalaking trabaho at tungkuling ginagampanan nila ay wala naman silang insentibong natatanggap kapalit ng kanilang malaking hirap.
Sa katunayan, ipinahayag pa ni Oducado na noong nakalipas na 2023. Ang mga pamilyang Pilipino ay gumastos ng humigit-kumulang sa P353.23,000 kung saan ito ay mas mataas ng 15% mula sa P307.19,000 na ginastos nila noong 2021.
Kaya naniniwala si Oducado na ang pagbibigay ng financial support o kompensasyon para sa mga stay-at-home housewives lalo na ang mga nanay nasa mahirap na pamumuhay ay isang napakalaking bagay upang matulungan din nila ang kanilang pamilya kahit sila ay nagta-trabaho lamang sa loob ng bahay.
Nakapaloob sa panukala ang pagkakaloob ng P1,500 kada buwan para sa mga full-time housewives na nagmumula sa mahirap na pamilya bilang suporta at “appreciation” sa kanilang malaking kontribusyon sa loob ng bahay.
“This financial assistance, though limited signifies formal recognition of domestic work as a legitimate and essential economic contribution. This bill seeks to recognize the value of unpaid care work done by stay-at-home housewives,” paliwanag ng mambabatas. (Vina de Guzman)