Humirit na magpalabas ng Immigration lookout bulletin order laban sa 25 DPWH officials at iba pang private personalities: DPWH Sec. Vince, nagpasaklolo na sa DoJ
- Published on September 4, 2025
- by @peoplesbalita
NAGPASAKLOLO na si DPWH Secretary Vince Dizon sa Department of Justice (DoJ) na magpalabas ng Immigration lookout bulletin order laban sa 25 DPWH officials at ibang private personalities na pinaghihinalaang may kinalaman sa mga ghost flood control projects sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakasaad sa liham ni Dizon sa DOJ, binigyang-diin nito ang napapanahong paglabas ng lookout bulletin laban sa mga nasabing opisyal at indibidwal upang masiguro ang tuluy-tuloy na imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.
Layunin din aniya nito na mapanagot ang sinumang sangkot sa mga nasabing proyekto.
sa kabilangd ako, hiniling din ni Secretary Dizon sa Bureau of Immigration na bigyan sila ng agarang impormasyon at ang iba pang enforcement agencies kaugnay sa napipintong paglabas sa bansa ng mga nasabing personalidad.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ni Secretary Dizon ang suspension ng bidding sa lahat ng locally-funded projects sa bansa sa loob ng dalawang linggo upang magpatupad ng mga safeguard measures. ( Daris Jose)