PBBM sa LGU execs: Ilantad ang mga anomalya sa proyekto, pondo hindi para sa sariling interest
- Published on September 4, 2025
- by @peoplesbalita

Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang oath taking ng mga bagong opisyal ng League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Palasyo ng Malakanyang, binigyang diin ni Pangulong Marcos na dapat na isapubliko ng mga ito at ibunyag kung may mga anomalya sa mga nasabing proyekto, sabay sabing ang pondo ay hindi dapat gamitin para sa pansarling interest ng isang lokal na pinuno.
”Kaya’t hinihikayat ko kayo, paglingkuran natin nang buong katapatan ang sambayanan. Tiyakin natin na nasa wasto ang mga proyekto na ipinapatupad ng pambansang pamahalaan at ng lalawigan,” ayon kay Pangulong Marcos.
”Isiwalat natin kung may makikitang taliwas dahil ang pera ng sambayanan ay pera ng bayan at hindi pansariling interes,” aniya pa rin.
Winika pa ng Pangulo na may mga ‘pressing issues’ pa rin na dapat na tugunan, kailangan aniya ng bansa ng mga lider na tutuldukan ang mga maling gawain sa pamamahalan.
”May mga isyung kailangan pang harapin na hindi puwedeng talikuran—lalong-lalo na [ng] mga bagong opisyal ng LPP. Ngayon, higit kailanman, kailangan ng bansang Pilipinas ang inyong pamumuno upang wakasan ang mga maling nakagisnan,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
”Nagsisimula pa lang ang laban at mahaba pa ang ating tatahakin. Umaasa ako na kasama namin kayo sa bawat hakbang, sa pagsusuri sa mga proyekto, sa pagsasaliwanag sa mga [nagkukubli sa] kadiliman,” dagdag na pahayag nito.
Tinuran pa ng Chief Executive, ang mga lokal na opisyal ay dapat na maging boses at konsensiya pagdating sa pagpapatupad ng mga proyekto.
”Para sa mga bagong opisyal ng LPP: Magsisilbing gabay, magsisilbing boses at higit sa lahat, magsisilbing konsensiya,” diing pahayag ng Pangulo.
Ang LPP, kumakatawan sa 82 provincial governments ng bansa, nagpapatibay ng pagkakaisa at nagpapalakas ng lokal na pamamahala sa pamamagitan ng ‘policy collaboration’ at ‘capacity-building programs.’
Nanguna sa oath taking ceremony ay si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., na muling nahalal bilang national president ng LPP noong July 25.
Sinamahan siya ni Quirino Governor Dakila Carlo “Dax” Cua, na muli namang nahalal bilang chairperson.
Muli ring nahalal para sa three-year term sina Senior Vice-Presidents Gov. Rodolfo Albano III (Luzon North), Gov. Luis Raymund Villafuerte Jr. (Luzon South), Gov. Arthur Defensor Jr. (Visayas), Gov. Nilo Demerey Jr. (Mindanao); at Secretary-General, Gov. Nilo Demerey Jr.
Ang ‘new set of officers’ ay magsisilbi hanggang July 31, 2028.
Samantala, ang pangunahing adbokasiya ng LPP ay tututok sa pagmumungkahi at pagla- lobby sa 20th Congress para sa much-needed reforms sa probisyon ng Republic Act No. 7160, o Local Government Code of 1991.
( Daris Jose)