• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:06 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, isinelda sa dalawang baril at mga bala sa Caloocan

SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos makuhanan ng dalawang hindi lisensyadong baril at mga bala nang salakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detective Group (CIDG) Northern District Field Unit (NDFU) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong mga baril si alyas “Vic”, nasa hustong gulang at residente ng Blk 1, Lot 13, Brgy. 171.
Nang makakuha ng kopya ng search warrant na inisyu ni First Vice Executive Judge Rodolfo P. Azucena Jr. ng Regional Trail Court (RTC) Branch 125, National Capital Region, Caloocan City para sa paglabag sa R.A 10591 ay sinalakay ng mga tauhan ng CIDG NDFU ang bahay ng suspek.
Dakong alas-8:50 ng umaga nang halughugin ng mga tauhan ng CIDG NDFU sa bisa ng naturang search warrant ang bahay ng suspek, sa kanyang harap at sa mga witness mula sa opisyal ng Barangay at Media Representative.
Nasamsam ng pulisya sa loob ang isang caliber .45 pistol, isang caliber .9mm, dalawang magazine para sa caliber .9mm, 27 pirasong bala ng caliber .9mm, isang magazine para sa caliber .45 na kargado ng siyam na bala, 45 pirasong bala ng caliber .45 at isang hollister para sa caliber 9mm.
Nang walang maipakita ang suspek na kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang mga armas ay inaresto siya ng mga pulis.
Kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)