Walang lugar para sa maanomalyang proyekto sa 2026 budget- Malakanyang
- Published on September 2, 2025
- by @peoplesbalita
HINDI kailanman kukunsintihin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kuwestiyonableng “insertions” sa panukalang 2026 national budget.
Binigyang diin na ang pondo ay dapat lamang na mapunta sa lehitimong proyekto at hindi para ulitin ang alokasyon para sa natapos nang trabaho.
Ito’y matapos na isiwalat ng mga mambabatas na kabilang sa 2026 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang budget allocations para sa mga proyektong natapos na.
“Hindi po ito papayagan ng Pangulo. Nadinig po natin, galit na po ang Pangulo at ayaw po niya na may isinisingit pa sa budget dahil ang budget na ‘to ay para sa taumbayan at para sa proyekto para sa bayan,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sinabi pa ni Castro na dapat na makipag-ugnayan muna ang mga mambabatas sa mga ahensiya gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para iberipika kung ang napunang proyekto ay ‘truly finished’ o nagpapatuloy sa iba pang lokasyon.
Nauna rito, ikinalungkot ni Pangulong Marcos na nananatiling may “insertions” sa panukalang 2026 budget.
“Unfortunately, the more we look, the more we find. Kahit sa 2026 budget, marami pa ring siningit. So talagang — it really needs to be cleaned out properly,” aniya pa rin.
Inihayag ito ng Pangulo matapos bigyang-diin ang paglikha ng independent commission na mag-iimbestiga sa di umano’y anomalya sa DPWH. ( Daris Jose)