• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para linisin ang departamento sa gitna ng anomalya sa multibillion-peso flood control projects… Dizon, ipinag-utos ang courtesy resignations sa lahat ng mga opisyal ng DPWH

IPINAG-UTOS ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pagsusumite ng courtesy resignation sa lahat ng opisyal ng DPWH.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na linisin ang departamento sa gitna ng di umano’y iregularidad sa multibillion-peso flood control projects.
Ang nasabing hakbang ani Dizon ay simula ng gagawin niyang pamumurga sa departamento upang maibalik ang tiwala ng publiko, tiyakin ang transparency, at igarantiya na ang bawat piso na gagastusin sa imprastraktura ay tunay na maisisilbi sa mga mamamayang Filipino.
“Ang unang-una ko pong order na ilalabas ay ang pag-order ng courtesy resignations top to bottom: usec, asec, division head, regional director, hanggang district engineer ng buong bansa,” ang sinabi ni Dizon sa press briefing sa Malakanyang.
“Iyan po ang unang-unang direktiba ng ating Pangulo. Nag-usap po kami nang matagal kaninang umaga at ang sabi niya ‘linisin’ ang DPWH at ito po ang simula,” aniya pa rin.
Winika pa ni Dizon na ipatutupad niya ang malawakang balasahan sa loob ng 30 hanggang 60 araw.
Samantala, pinalitan ni Dizon si Manuel Bonoan, na bumaba sa puwesto sa ilalim ng “principle of command responsibility”matapos na lumutang ang anomalya sa flood control projects.
(Daris Jose)