• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:01 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malayang pamamahayag, suportado ni Yorme Isko sa Maynila 

TINIYAK ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na suportado niya ang malayang pamamahayag sa Lungsod ng Maynila.
Sa talumpati ni Mayor  Isko sa pagdiriwang ng National Press Freedom Day sa National Press Club  (NPC) , binanggit nito ang kahalagahan ng malayang pamamahayag na mabisang armas sa paglalantad ng mga katotohanan sa likod ng nangyayaring katiwalian, hindi lamang sa pamahalaan, kundi maging sa pribadong organisasyon.
“Trabaho ninyo ang malayang pamamahayag at tungkulin ko naman bilang alkalde ang magpaliwanag at maghayag ng mga programang tatahakin ng pamahalaang lungsod,” ayon sa alkalde.
Dagdag pa ng Alkalde na nararapat lamang na maging responsable at tumanggap ng kritisismo, hindi lamang sa mga tulad nilang nasa gobyerno, kundi maging mga indibidwal tulad ng mga artista.
Sila aniya sa pamahalaan ay may pananagutan sa taumbayan kaya dapat lang nilang tupdin ang mga nakaatang sa kanilang tungkulin, tulad din ng mga mamamahayag na may tungkuling gawin ang mga istorya na mahalagang malaman ng mamamayan.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni NPC President Leonel “Boying” Abasola si Yorme Isko dahil sa ilang taon din ang nagdaan ay muli na namang nabisita ng isang alkalde ng Lungsod ng Maynila ang bahay ng NPC.
Hindi naman naiwasan ni Abasola na ibahagi ang kanyang pagkadismaya dahil natapat pa sa mismong buwan ng pagdiriwang ng ikatlong taon ng R.A. 11699 o ang Philippine Press Freedom Day ang pagbatikos sa mga mamamahayag ng isang kilalang mambabatas.
Nakiisa sa nasabing pagdiriwang ang Vice President for Public Affairs and Special Events Division ng Social Security System (SSS) na si Carlo Villacorta, apo ni Gat Marcelo H. Del Pilar na si Mrs. Marita Rita Marasita – Aguas, kinatawan ng Presidential Communication Office, at ang tagapagsalita ng Manila Police District (MPD) na si Maj. Phillip Ines.
(Gene Adsuara)