NGO NANAWAGAN SA OMBUDSMAN NA MAGSAGAWA NG IMBESTIGASYON SA KINASASANGKUTAN NG 15 CONTRACTOR
- Published on September 1, 2025
- by @peoplesbalita
ISANG Non-Government Organization ang nanawagan sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng motu propio investigation sa umano’y katiwalian na kinasasangkutan ng 15 contractor ng substandard at ghost flood control projects na nagkakahalaga ng P545-B mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
Sa isang media briefing sa Quezon City nitong Biyernes Agosto 29, 2025, sinabi ni Bienvenido Tulfo, founding chairman ng ipaBITAGmo Inc. (IBMI) na ang kontrobersyal na isyu ng katiwalian sa mga flood control projects ay sinalubong ng nakakabinging katahimikan ng Ombudsman.
“Nandito ako na nakasuot ng bagong cap bilang founder ng IBMI. Hinihimok namin ang Ombudsman na simulan ang isang pagsisiyasat. Kinunsulta ko ang aming mga abogado. Ako ay seryoso. Hindi ito isang komentaryo. Dapat kumilos ang mga tao. Dapat gumawa ng aksyon ang Ombudsman,” aniya.
Kasama niya ang mga abogado ng grupo na sina Rean Balisi at Alex Lopez, executive director ng IBMI na si Apple Meneses at tagapagsalita na si Melanio “Batas” Mauricio Jr.
“Sa pagtatapos ng araw, ang Senado ay magsasagawa ng mga pagdinig bilang tulong sa batas, at ang kaso ay mauuwi rin sa anti-graft body,” sabi niya.
Kinuwestiyon niya ang Ombudsman para sa matinding pananahimik nito.
Binatikos niya ang mga contractor at proponent ng proyekto gayundin ang mga regional engineer at project director ng Department of Public Works and Highways sa kanilang pakikipagsabwatan sa pagpapatupad ng mga maanomalyang flood control projects.
Sinabi niya na kahit si DPWH Secretary Manuel Bonoan ay kinumpirma na “walang kahihiyang pagbulsa ng bilyun-bilyong pondo para sa pagbaha, at ginagawa pa rin ng mga walang prinsipyong scalawags na nagpapanggap bilang mga direktor, inhinyero, at iba pang pampublikong opisyal at empleyado ng DPWH sa pakikipagsabwatan sa mga pulitiko.”
Nang tanungin kung dapat managot si Bonoan sa mga iregularidad, sinabi ni Tulfo na “Ayokong mag-akusa. Malalaman ng taumbayan.” (PAUL JOHN REYES)