• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 6:01 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Contractors sa kuwestiyonableng Bulacan projects, inimbitahan sa House Infra-Comm hearing sa September 2 

PINADADALO ng House Infrastructure Committee (Infra-Comm) sa pagdinig ang contractors na sangkot sa kuwestiyonableng projects sa Bulacan.
“Very important lang po at this point na i-announce nga natin na tuloy po ‘yung House Infrastructure Committee hearing sa September 2. Magsisimula po ito ng 9 a.m. sa darating pong Martes,” ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts, isa sa tatlong komite na bumubuo sa Infra-Comm.
Sinabi ng mambabatas na ang lahat ng mga kailangan imbitahan na mga resource persons, kasama ang mga opisyal ng DPWH at mga kontratista na binabanggit ng Pangulo na nakakuha ng malalaking mga flood control projects.
“Iimbitahan din po natin ‘yung SYMS Construction Trading, yung itinuturo na kontratista ng ‘ghost projects’ sa Bulacan. Iimbitahan din po natin yung iba pang mga ahensya ng gobyerno na makapagbigay po ng konteksto dito sa proseso ng pagkakaroon ng mga proyekto ng gobyerno,” ani Ridon.
Iginiit nito na ang Government Procurement Policy Board at Philippine Contractors Accreditation Board ay dapat ding tumestigo kasunod na rin sa panibagong alegasyon na lumabas sa senado.
Sinabi ni Ridon na ang projects sa Bulacan na nasasangkot sa kontrobersiya ay hindi congressional insertions, kundi proposals na kasama sa National Expenditure Program (NEP) na inihanda ng Department of Public Works and Highways.
“So ibig sabihin, these projects originated as DPWH proposal. It was never a proposal from Congress nor was it a proposal from the Senate. … Pero nakita nga po natin ngayon na even NEP-originated projects can actually be subject to ghost projects and substandard projects. So ibig sabihin, talagang lahat po ng mga tipo ng mga proyekto, whether NEP-originated or Congressional Initiative-originated projects, dapat po masilip at masiyasat po ng House Infrastructure Committee,” pahayag nito.
Nilinaw naman ni Ridon na ang unang pagdinig kg komite ay tutuon sa Bulacan projects na binsita na ng pangulo.
Kabilang na din ang mga isyu ng ghost projects, undercapitalized firms at contractors na naakusahan ng substandard na trabaho. (Vina de Guzman)