Lola, 1 pa huli sa aktong nag-aabutan ng droga sa Valenzuela
LAGLAG sa selda ang dalawang drug suspects, kabilang ang 65-anyos na Lola matapos mahuli sa akto ng mga pulis na nag-aabutan umano ng droga sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Joseph Talento ang naarestong mga suspek na si alyas "Lola Marites" at alyas "Keth", garbage collector, ng Brgy. Arkong Bato.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Col. Talento na nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na sangkot umano si Lola Marites sa ilegal drug trade.
Dahil dito, inatasan ni P/Lt. Sherwin Dascil, OIC Chief ng SDEU ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng validation at monitoring sa lugar ni Lola Marites sa F. Navarette St., Brgy., Arkong Bato.
Dito, naaktuhan ng mga operatiba ng SDEU ang suspek na may inaabot umano na isang plastic sachet ng hinihinalang shabu kay alyas Keth na dahilan ng pagkakaaresto sa kanila dakong alas-4:30 ng hapon.
Nasamsam kay Lola Marites ang tatlong plastic sachets ng hinihinalang shabu, P150 cash at isang green coin purse habang nakuha naman kay alyas Keth ang isang plastic sachet ng umano'y shabu na umabot lahat sa 2.51 grams at P17,068.00 ang halaga.
Ayon kay SDEU investigator P/MSg Ana Liza Antonio, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 (Otherwise known as Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Valenzuela City Prosecutor's Office. (Richard Mesa)