SPECIAL POWER OF ATTORNEY, MAY LIMITASYON
- Published on August 28, 2025
- by @peoplesbalita
NILINAW ng Korte Suprema na wala ng bisa ang Special Power of Attorney kapag namatay na ang nagpagawa nito.
Sabi ng SC, lahat ng kilos ng ahente pagkatapos ng kamatayan ay awtomatikong wala nang bisa, maliban na lang kung sakop ng exception sa batas.
Ang paglilinaw ng SC ay ukol sa kaso ng isang ginang na si Jessica Uberas na binigyan ng SPA ng kanyang amang si Meliton Alova para pamahalaan ang kanyang ari-arian.
Ginamit ni Jessica ang SPA ng ama kahit na pumanaw na ito makalipas ang ilang taon para umutang at magsangla ng lupa sa San Miguel Foods.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, sinabi ng Korte Suprema na wala na siyang karapatan gamitin ang SPA dahil matagal nang patay ang kanyang ama.
Sa kabila nito, nilinaw din ng hukuman na hindi lahat ng sangla ay nawalan ng bisa.
Sinabi ng SC na may bahagi pa rin ang babae sa lupa dahil siya ay tagapagmana pero ito lamang ang sakop ng mortgage at foreclosure. (Gene Adsuara)