Kamara nangako ng transparent na imbestigasyon, walang masasakripisyo sa flood control controversy
MAGLULUNSAD ang Kamara ng isang full, transparent, at impartial investigation sa alegasyon ng korupsyon, pag-aksaya at substandard performance sa flood control program ng gobyerno.
Gayundin, walang opisyal at ahensiya ng gobyerno o contractor ang palulusutin sa isyu.
Ang tugon na ito ng Kamara ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Marcos na walang pang-aabuso sa kapangyarihan at korupsyon ang palulusutin at palalagpasin.
"Kapag buhay ng tao ang nakataya, bawal ang palusot. Bawal ang palakasan. Every peso we lose to corruption is a life left at risk when floods hit. This investigation is not about politics—it's about justice," ani Deputy Speaker Paolo Ortega.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 145, tatlong komite ng Kamara, kabilang na ang Public Accounts, Public Works and Highways, at Good Government and Public Accountability, ang magiimbestiga sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at contractors kaugnay sa bilyong halaga ng flood control projects, na ilan ay sinasabing non-existent, defective, o overpriced.
Base sa inisyal na ulat, mahigit sa ₱500 billion ang inilaan simula 2022, ngunit ilang lugar sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa ang nanatiling nakalubog sa baha. sa Malabon at Navotas, nananatiling hindi naipagawa hanggang ngayon ang nasirang floodgate mula 2024 sa kabila na nakalista na ito ng "completed."
"Pumapasok ang tubig sa bahay pero 'di makita ang proyektong pinondohan. Saan napunta ang pondo? We owe the public clear answers," pahayag ni Ortega.
Iginiit naman ni Deputy Speaker Jay Khonghun na walang magaganap na witch hunt o whitewash sa imbestigasyon.
"Hindi ito witch hunt. Pero hindi rin ito palabas. Those who were entrusted with the people's money—whether in government or the private sector—must explain. And if wrongdoing is proven, they must face consequences. Wag nating hayaang malunod sa baha ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Kailangang may managot," pahayag nito. (Vina de Guzman)