Tunay na transparency sa budget
- Published on August 22, 2025
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ni Bacolod City Rep. Alfredo “Albee” Benitez sa liderato ng Kamara na pangatawanan ang pahayag nitong transparency sa budget deliberations na nagsimula nitong nakalipas na Lunes.
“It is clear that there is only one way forward in the way Congress conducts its business, particularly the crafting of the national budget—and that is the way of genuine transparency,” ani Benitez.
Kasabay nito ang panawagan na ilabas ang ulat ng small committee sa 2025 budget, kabilang na ang pangalan ng mga miyembro nito at mga pagbabago sa budget.
Nitong Lunes, nagkaroon ng stand off sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa panukalang P6.793-trillion national budget para sa taong 2026 matapos manawagan si Navotas Rep. Toby Tiangco sa komite na ipalabas ang report ng small committee sa 2025 budget.
Binigyan diin ni Benitez ang pangangailangan na ilabas ang report ng lahat ng amendments na ginawa ng small committee sa 2025 national budget upang matukoy ang mga proponents ng projects at masiguro na matukoy ang nagpanukala sa panukalang alokasyon.
Ang pagpupulong ng small committee para pangasiwaan ang budget amendments sa isang closed-door meetings ay matagal na ring nakagawian sa malaking kapulungan ng kongreso. Noong nakalipas na taon, ang small committee ay binigyan ng kapangyarihan upang magsagawa ng pagbabago kahit inaprubahan na ito sa ikalawang pagbasa.
“Now is the time to walk the talk. If we demand transparency, we must practice it ourselves,” pahayag ni Benitez.
(Vina de Guzman)