Kelot na wanted sa child abuse sa Valenzuela, laglag sa selda
- Published on August 22, 2025
- by @peoplesbalita
TIKLO ang 26-anyos na lalaki na wanted sa kaso ng pang-aabuso sa isang menor-de-edad nang matunton ng pulisya sa kanyang tinutuluyang lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Joseph Talento hinggil sa kinaroroonan ng akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.
Agad bumuo ng team ang Warrant and Subpoena Section (WSS) saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-2:10 ng hapon sa Brgy. Paso De Blas.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga pulis ang warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trail Court (RTC) Branch 172, para sa dalawang bilang ng paglabag sa R.A 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na may inirekomendang piyansa na P160,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio ang arresting team para sa kanilang kasipagan na idiniin ang kanilang hindi natitinag na pangako sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko at pagbibigay ng hustisya sa mga biktima. (Richard Mesa)