• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 3:38 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para sa malinis, mas ligtas na waterways… Malabon LGU, nakatanggap ng backhoe-on-barge mula sa DENR

SA pagpapalakas sa pangako nito sa pagtatayo ng malinis at mas ligtas na komunidad, tumanggap ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon ng backhoe-on-barge mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagpapahusay ng dredging operations at makatulong para mabawasan ang pagbaha sa buong lungsod.
Ang turnover ng equipment ay bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Project ng pambansang pamahalaan at gagamitin ito sa pag-alis ng silt, basura, at iba pang mga sagabal sa major water systems, kabilang ang Tullahan River bilang suporta sa patuloy na pagsisikap ng lungsod para matiyak ang kalinisan, kaligtasan, at paghahanda sa sakuna.
Ang programa ay naglalayon na tulungan ang malinis na mga daluyan ng tubig patungo sa Manila Bay, na may sukdulang layunin na ibalik ang natural na sigla at kagandahan ng bay.
“Prayoridad po natin ang kalinisan hindi lang sa mga kalsada, kundi maging sa mga daanan ng tubig sa Malabon. Dahil ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng mga ito ay mahalaga para mabawasan ang epekto ng baha sa mga barangay. Mas magiging mabilis at epektibong ang mga operasyon na magtatanggal ng ano mang basura na humaharang sa mga daanan na ito na nagiging sanhi ng pagbabaha,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Ang backhoe-on-barge na ito ay magbibigay-daan sa mga tauhan ng lungsod na linisin ang mga daluyan ng tubig na mahirap ma-acces sa panahon ng dredging, declogging, at clean-up operations.
“Sobrang halaga nito [backhoe-on-barge] kasi nakita naman noong mga nakaraan sobrang affected tayo ng malakas na ulan, kasabay pa nung high tide level. So, may mga lugar sa ating lungsod na mababa kung saan lahat nung mga debris doon napupunta. So ito yung mga lugar na kinakailangan tutukan at magkaroon ng dredging operations,” paliwanag ni City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Chief Mark Mesina.
“Nakita naman natin na isang dahilan kung bakit nagbabaha at nagbabara yung ating mga kanal ay dahil doon sa mga basurang itinatapon kung saan-saan. So sa pamamagitan nito, malaking tulong na makuha natin yung mga basura na nandoon na sa kailaliman ng ating mga water system,” dagdag niya.
Pangungunahan ang dredging operations ng City Engineering Department (CED) sa koordinasyon sa CENRO para matiyak ang kahusayan at pagpapanatili ng mga daluyan ng tubig.
Ipinahayag naman ni Mayor Sandoval ang kanyang pasasalamat sa DENR para sa patuloy na suporta nito na idiniin na ang backhoe-on-barge ay gaganap ng mahalagang papel sa pagpapabuti ng mga hakbang sa flood control at pangangalaga sa kapakanan ng MalabueƱos.
Hinikayat din niya ang mga residente na makilahok sa mga hakbangin sa kapaligiran ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang paligid, maayos na pagtatapon ng basura, pagsuporta sa mga programa tulad ng pagtatanim ng puno at community clean-up drives. (Richard Mesa)