• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 3:19 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAGHANDOG NG PABAHAY SA SARANGANI AT DAVAO DE ORO

NAGSAGAWA kamakailan ang National Housing Authority (NHA) ng dalawang magkahiwalay na turnover ceremonies upang maghandog ng ligtas at disenteng pabahay para sa mga benepisyaryo ng ahensya sa Saranggani at Davao de Oro.
Sa gabay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Region 12 Regional Manager, Engr. Zenaida M. Cabiles ang pamamahagi ng 48 housing units sa Barangay Colon, Maasim, Saranggani.
Ang nasabing pabahay ay bahagi ng ₱25M Maasim Resettlement Project, bilang bahagi ng Resettlement Assistance Program for Local Government Unit (RAP-LGU) ng NHA, ay binubuo ng 40 concrete duplex-type na istruktura na ilalaan para sa mga informal settler families (ISFs) ng munisipalidad.
Dumalo sa kaganapan sina Engr. Gerald Faciol at Mr. Ser Rosen Kranz Espartero na kumatawan kina Sarangani Lone District Representative Steve Chiongbian Solon at Governor Rogelio Pacquiao; Mayor Zyrex Pacquiao, Vice Mayor Visitacion Nambatac, mga lokal na opisyal, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection personnel.
Samantala, 64 na pamilyang biktima ng Bagyong Pablo ang nakatanggap ng pabahay mula sa NHA Region 11, na parte ng Balai Maal’lag Housing Project (On-Site) sa Purok 4, Barangay Andap, New Bataan, Davao de Oro.
Nangasiwa sa turnover sina Region 11 Officer-In-Charge Engr. Shariffuddin I. Nami and District 2 OIC Gerold P. Namoc, Vice Mayor Elfa P. Digaynon bilang kinatawan ni Mayor Mar Bianca F. Cua Brua at kasama rin ang mga kinatawan nina Governor Raul Mabanglo at Congresswoman Maria Carmen S. Zamora.
Sa ilalim ng Housing Assistance for Calamity Victims (HAPCV) ng NHA, ang proyekto ay isang hakbang ng pamahalaan upang matiyak ang mas matatag at ligtas na tirahan para sa mga apektadong komunidad.
Alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas, patuloy ang masigasig na pagsisikap ng NHA upang tugunan ang pangangailangan sa pabahay ng mga pamilyang Pilipino, lalo na ang higit na nangangailangan. (PAUL JOHN REYES)