Para sa taong kasalukuyan: 35 diplomatic protests, inihain laban sa Tsina- DFA
- Published on August 22, 2025
- by @peoplesbalita
MAY KABUUANG 35 diplomatic protests na ang inihain laban sa Tsina ngayong taon.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang diplomatic protests ay isinumite sa Chinese Embassy sa Maynila.
Subalit nilinaw ni DFA spokesperson Ambassador Angelica Escalona na hindi kasama ang protesta na maaaring isumite ng bansa kasunod ng insidente ng harassment at mapanganib na pagmamaniobra ng Chinese assets laban sa Philippine vessels at aircraft sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal noong nakaraang linggo.
Nauna rito, napaulat na nagbanggaan ang China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army (PLA) Navy sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) noong ika-11 ng Agosto habang hinahabol ang barkong BRP Suluan ng Philippine Coast Guard (PCG).
May insidente rin na binugahan ng tubig ng CCG ships ang dalawang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessels na nagsasagawa ng maritime patrol malapit sa Bajo de Masinloc.
Nito lamang Agosto 13, nagkasa ng dangerous maneuvers ang Chinese fighter jet sa Philippine aircraft.
Ito ay ilang araw matapos ang pagbangga ng barko ng China sa isa pang Chinese ship habang umano’y hinaharass ang barko ng Pilipinas.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, nangyari ang mapanganib na aksyon ng Chinese aircraft habang isinasagawa ng PCG Cessna Caravan ang maritime domain awareness flight sa Scarborough Shoal.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Escalona na “Regarding the diplomatic protest for these specific incidents, pinag-aaralan pa ito.”
Tiniyak naman ni Escalona na nananatiling nakabukas ang linya ng komunikasyon ng Pilipinas sa Tsina sa pamamagitan g diplomatic channels.
“Regarding the bilateral dialogue with China, yes, we are looking at existing platforms for discussing all these important matters with China,” aniya pa rin.
“The instruction sa atin is we continue using dialogue and we keep lines open to China, alinsunod sa instructions ng pangulo to manage the issue in a peaceful manner,” dagdag na wika ni Escalona. ( Daris Jose)