Zero Balance Billing program ‘maayos na nagpapatuloy’- PBBM
- Published on August 20, 2025
- by @peoplesbalita

Sa katunayan, mas maraming Filipino ang nag-a-avail ng libreng medical services sa mga state-run hospital.
Sa naging pagbisita ng Pangulo sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City, pinuri ng Pangulo ang inisyatiba na tiyakin na aalis at lalabas ng ospital ang isang pasyente na hindi na magbabayad pa o maglalabas pa ng ‘out-of-pocket expenses, habang nagbigay-pugay naman sa mga healthcare workers para sa kanilang “heroism and dedication” sa serbisyo.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na ipabatid sa hospital personnel at mga pasyente ang tungkol sa programa.
“I’m happy to be able to report that the zero billing program is proceeding well,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Siyempre sa umpisa, we have to [do] information drive. Hindi lang sa mga ospital pati na rin sa mga pasyente and I think we are succeeding with that.” aniya pa rin.
Nauna rito, binisita ng Pangulo, araw ng Lunes ang Eastern Visayas Medical Center (EVMC) sa Tacloban City, kung saan tsinek niya ang mga pasyente na makikinabang mula sa programa.
Sinabi ng Pangulo na mahigit 12,000 pasyente sa EVMC at may 2,000 sa EAMC ang nag-avail ng programa.
Binigyang kredito naman ng Pangulo ang mga healthcare worker para sa kanilang serbisyo lampas sa kanilang duty hours at inalala ang kanilang sakripisyo sa panahon ng Covid-19 pandemic.
“Isa na ako doon, I was one of the beneficiaries. Kung ‘di sa inyo, wala na ako rito. Natangay na ako ng Covid,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Tinuran pa ng Pangulo na nakatulong ang ‘word of mouth’ sa pagpapalaganap ng kamalayan, hinikayat ang mga Filipino na magpagamot nang walang pag-aalinlangan.
“So ikalat natin, ipaalam natin sa lahat ng tao para hindi na sila nagdadalawang isip na magpatingin, magpagamot at magpagaling,” aniya pa rin.
Samantala, ang medical assistance ay pinondohan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), at alokasyon sa mga DOH hospital.
Ang tulong ay karagdagan sa financial support mula sa Philippine Health Insurance Corporation. (Daris Jose)